Current track

Title

Artist


Pagpuno ng morge sa Quezon Medical Center, agad na inaksiyunan ng Lucena City LGU at DOH

Written by on September 21, 2021

Agad na tinugunan ng pamahalaang lungsod ng Lucena at ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang paglilibing sa mga bangkay na naiulat na nakatambak umano sa morge ng Quezon Medical Center.

Sa ulat ni Lucena City Disaster Risk Reduction and Management Officer Janet Gendrano sa Calabarzon Regional Inter-Agency Task Force Against Covid-19, sinabi nito na matapos matanggap ang ulat mula sa pamunuaan ng QMC noong Setyembre 6 ay agad na sumulat ang pamahalaang lungsod sa Department of Health (DOH) para sa kaukulang pahintulot na mailibing na lamang ang mga bangkay sa halip na hintayin ang schedule ng pag-cremate sa mga ito.

Aniya, dahil sa pagdami ng mga nasawi sa Covid-19 ay nagkaroon ng pile-up sa nag-iisang crematorium site sa lalawigan dahilan para maantala ang pag-cremate sa mga bangkay mula sa naturang ospital.

Dagdag pa ni Gendrano na nagkaroon din ng koordinasyon sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan, Department of the Interior and Local Government at iba pang lokal na pamahalaan sa probinsiya para makuha ang iba pang bangkay sa naturang ospital at mailibing sa kani-kanilang mga bayan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Dir. Eduardo Janairo, regional director ng DOH Region 4A, na agad nilang tinugunan ang naturang problema. Pero gusto aniya ng karamihan sa mga kaanak ng mga namatay sa Covid-19 ay ma-cremate ang mga bangkay nito.

Aniya dahil sa kakulangan sa crematorium site ay maaari aniyang i-seal sa body bag ang mga bangkay gayundin ang ataul na paglalagakan nito at kinakailangan na mailibing agad ang mga ito.

Ayon kay Janairo, nakakabahala ang mga bangkay na hindi agad nakukuha sa morge dahil maaari aniya itong pagmulan ng iba’t ibang sakit.

Pahayag naman ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon na kontrolado na ang insidente at wala ng nakatambak na mga bangkay sa QMC.

Ani Suarez, hindi inaasahan ang dami ng namatay sa Covid-19 kaya napuno ang morge at crematorium sa lalawigan.

Ayon sa Gobernador, sinusubukan nila ngayon na makakuha ng portable na crematorium para sa mga pasyenteng nasawi dahil sa Covid-19.

Ngayong Setyembre ay nagkaroon ng biglang pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa iba’t ibang bahagi ng Quezon dahilan nang pagpuno ng ilang healthcare facilities sa lalawigan.

Ayon kay Dr. Rolando Padre, chief of hospital ng QMC, hindi inaasahan ang pagdami ng mga nasawi dahil sa Covid-19 sa pagpasok ng Setyembre kung kaya’t napuno ang kanilang morge na mayroon lamang na dalawang mortuary freezer.

Nitong Linggo, Setyembre 19, umabot na sa 2,536 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa Quezon.

May 12 karagdagang pasyente ang naiulat na nasawi dahilan para umabot sa 1,147 ang kabuuang bilang ng mga pumanaw sa lalawigan dahil sa sakit na Covid-19.

Tiniyak naman ng Regional Inter-Agency Task Force Against Covid-19 na maayos ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at mga ospital upang maiwasan na ang insidente.

Source: PIA CALABARZON News Website


Reader's opinions

Leave a Reply

Your email address will not be published.